Sadyang ayaw umano ng kampo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hingin sa bangko ang kaniyang statement of account dahil mabubuking doon ang pag-withdraw sa dalawang daang milyong pisong halaga ng pera.
Ito ang sinabi ni Senator Antonio Trillanes IV sa panayam ng Radyo Inquirer matapos mabigo kahapon ang kampo ni Duterte na makapaglabas ng detalye ng bank accounts sa BPI Julia Vargas Branch.
Ayon kay Trillanes, sadyang hindi hiningi ng kampo ni Duterte ang statement of account o transaction history ng alkalde dahil makikita doon ang P200 milyon.
Mas mapapabilis sana ayon kay Trillanes ang proseso kung mismong si Duterte ang pupunta sa bangko at sasabihing kailangan niya ng kopya ng kaniyang statement of account.
“Mapapabilis lahat iyan kung si Mayor Duterte mismo ang magpupunta at magsasabi. Ang problema hindi nila (Duterte) mahingi yung statement of account kasi makikita doon yung million noong hindi pa nawi-withdraw,” ani Trillanes.
Dagdag pa ni Trillanes, nagsisinungaling si Atty. Salvador Panelo nang sabihin niyang wala namang pinagkaiba sa bitbit niyang SPA kahapon at sa waiver.
Ani Trillanes, may specific na request lamang si Panelo sa dala niyang SPA at iyon ay ang paglalabas ng account balances at certification ng account ni Duterte.
Iyon ang dahilan ayon kay Trillanes kaya humingi pa ng pitong araw ang BPI para makatugon sa hiling ng kampo ng alkalde.
“Ang abugado niya nagsisinungaling sabi niya parehas ang SPA at waiver. Ang waiver pangkalahatan iyan, walang specifications, ang SPA niya specific lang ang hinihingi niya, ang nakalagay doon may specific request si Duterte. Pero ang problema ng bangko, joint account yun eh kaya kailangan kasama si Sara Duterte sa SPA,” dagdag pa ng senador.