Nagkasundo na sina Japanese Defense Minister Gen Nakatani at Defense Secretary Voltaire Gazmin na isulong ang kasunduan na ipaarkila o ipa-‘lease’ ang lima pang Maritime Self Defense Force TC-90 training aircraft sa Pilipinas.
Dahil sa ipinagbabawal sa Japan ang magbigay ng military equipment sa alinmang bansa sa ilalim ng kasalukuyan nilang batas, idadaan ang kasunduan sa isang lease contract.
Ang mga TC-90 trainer craft ay may kakayahang makalipad ng 1,900 kilometro o halos doble ng kakayahan ng mga military aircraft na pag-aari ng Pilipinas sa kasalukuyan.
Malaki ang maitutulong ng mga trainer plane upang mapalakas ang maritime surveillance capability ng bansa.
Matatandaang unang lumapit ang Pilipinas sa Japan makaraang magpakita ng agresibong pagkilos ang China sa pagkamkam ng ilang mga lugar sa West Philippines Sea na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.