Nais pang pahabain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa Manila Regional Trial Court Branch 53 ang una nitong nilabas na provisional asset preservation order (PAPO) para sa perang nakuha ni junket operator Kim Wong na bahagi umano ng $81 million na ninakaw sa Bangladesh Central Bank.
Ayon kay Associate Solicitor Abrahan Genuino II ng Office of the Solicitor General, tumatagal lamang ng 20 araw ang PAPO at magla-lapse na ito pagdating ng May 19 hanggang 20.
Aniya, nais sana nilang humingi ng PAPO na may bisa na tatagal hangga’t isinasagawa ang paglilitis, at handa aniya silang hintayin ito at sumagot kung kainakailangan.
Samantala, ayon naman kay Atty. Kristoffer James Purisima, maghahain sila ng komento tungkol sa forfeiture petition sa Miyerkules, kasabay ng patuloy na pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan.
Matatandaang nag-sauli na ng kabuuang P236 million at $4.6 million si Wong sa AMLC, at ani Purisima, may isasauli pang P250 million ang kaniyang kliyente.
Oras naman na maibalik na ito ni Wong sa AMLC ani Purisima, ipapasama na rin nila ito sa PAPO sa pamamagitan ng isang supplemental petition.