Ginawaran ng parangal ang isang limang-taong gulang na batang lalaki mula sa Jones, Isabela bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan sa kabila ng murang edad.
Sinagip kasi ng batang si Edmund Jon Nipay ang kaniyang 60-taong gulang na lola Adoracion nang masunog ang kanilang tahanan noong 2014 kahit siya ay tatlong-taong gulang pa lamang.
Ayon sa mga magulang ni Edmund na sina Edgardo at Rose Nipay, nang umalis sila sa bahay at iniwan ang maglola para pumunta sa Jones Public Market, umaga ng June 17, 2014, nawalan sila ng kuryente.
Hindi naman nagtagal, bumalik din agad ang kuryente, ngunit ang biglaang daloy ng kuryente ay nagdulot ng sunog sa mga kabahayan, kabilang na ang kina Edmund Jon.
Agad na hinanap ni Edmund Jon ang kaniyang lola, at kahit takot na takot, pinilit niyang itulak ang wheelchair nito para mailabas sa bahay.
Nang magawa na niya ito at lumapit na ang mga kapitbahay para tumulong, bumalik pa si Edmund Jon para kunin naman ang salamin at cellphone ng lola upang makahingi pa ng tulong.
Ayon kay Edmund Jon, gagawin pa rin niya ang pagsagip sa kaniyang lola sakaling mangyari muli ang ganoong insidente.
Isa si Edmund Jon sa mga pinarangalan sa 17th Annual Kalasag: Search for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assisance.
Ito ay hatid ng National Disaster Risk Reduction Management Council na pinangasiwaan ng kanilang chairman na si Voltaire Gazmin.
Si Gazmin rin mismo ang nagbigay ng parangal kay Edmund Jon sa ilalim ng individual category for Heroic Act.