Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na wala silang natanggap na ulat ukol sa posibleng terror attacks sa bansa.
Kasunod ito ng inilabas na babala ng Japan Ministry of Foreign Affairs sa mga residente nito ukol sa banta ng pag-atake, tulong ng suicide bombings, sa Pilipinas, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand, at Myanmar.
Gayunman, tiniyak ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na magpapatuloy ang kanilang pagtutok sa intelligence reports na natatanggap.
“We have not received any report on possible terror attacks as advised by the Japan Foreign Ministry but this does not mean that we would lower our guard on this matter,” ani Eleazar.
Siniguro ng hepe ng pambansang pulisya na patuloy din ang mahigpit nilang intelligence-gathering measures upang maiwasan ang anumang karahasan ng mga local o international terror group.
“Noon pa man ay patuloy ang aming intelligence-monitoring especially after the 9/11 attack in the US and the Marawi City incident, at nananatiling maigting ang ating pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa laban sa terorismo through information-sharing and strategic partnership in dealing with terror groups,” dagdag ni Eleazar.
Patuloy din aniyang makikipagtulungan ang pulisya sa militar para sa seguridad ng bansa.
“Kasama dito ang pagpapalakas ng ugnayan ng inyong kapulisan sa iba’t- ibang komunidad at stakeholders upang matiyak na hindi tayo malulusutan sa anumang plano ng mga teroristang grupo sa anumang lugar sa ating bansa,” ayon sa PNP Chief.
Simula aniya makubkob ng Taliban ang Afghanistan, inalerto na ang lahat ng police unit, lalo na sa Mindanao.
Humingi naman ng kooperasyon sa publiko si Eleazar at pinare-report sa awtoridad ang anumang makitang kahina-hinalang indibiduwal sa komunidad.