Sen. Pacquiao, inasunto si Pastor Quiboloy dahil sa fake news

Paniwala ni Senator Manny Pacquiao, sinira ni Pastor Apollo Quiboloy ang kanyang imahe at pagkatao ukol sa isang naunsyaming proyekto sa Saranggani Province na nagkakahalaga diumano ng P3.5 bilyon.

Matapos ihain ang kanyang 13-pahinang reklamong libel at cyber-libel sa Makati City Prosecutors Office, sinabi Pacquiao na ang tinutukoy na proyekto ni Quiboloy ay noon pang administrasyong-Fidel Ramos noong 1994.

Aniya, ang proyekto niya sa Saranggani ay nagkakahalaga lang ng P300 milyon hanggang P500 milyon.

Dagdag pa ng pambansang kamao, ang paratang sa kanya ni Quiboloy ay ginawa sa kasagsagan ng kanyang paghahanda sa kanyang laban sa Las Vegas, Nevada noong Agosto 2021.

Kinuwestiyon nito ang ‘timing’ dahil nangyari ito matapos niyang magpatikim ng mga alam niyang katiwalian sa gobyerno, partikular na sa pagbibigay ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ng mga ayuda sa mga naapektuhan ng pandemya.

Paglilinaw pa ng senador, ang hinihingi niyang P100 milyong danyos sa mga kasong isinampa niya ay ipamamahagi din niya sa mga nangangailangan kung sakaling magtagumpay siya sa kanyang laban kay Quiboloy.

Samantala, Martes ng gabi (September 14), nakatakdang sagutin ni Quiboloy ang buwelta sa kanya ng Pambansang Kamao.

Read more...