Solon, hiniling na hindi ituloy ang power rate hike sa Setyembre

Sa katuwirang hindi napapanahon, hiniling ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate na hindi ituloy ang pagkasa ng taas-singil sa kuryente sa buwan ng Setyembre.

Dagdag pa ni Zarate, ang karagdagang halaga sa kuryente ang panibagong pasanin sa mga naghihirap ng mamamayan.

Aniya, maraming pamilya ang hindi na makasabay sa halaga ng pamumuhay sa gitna ng pandemya.

Ang apela ng mambabatas ay kasabay nang anunsiyo ng Meralco na tataas ng P0.1055 per kilowatt hour ang paggamit ng kuryente sa Setyembre at katumbas ito ng P21 sa mga may average monthly consumption na 200 kilowatt hour.

Ikinatuwiran ng Meralco sa dagdag-singil ang mataas na generation charge.

“What is worse though is that power players like Meralco still profit from these miseries. Our call is for Meralco to waive these power rate increases,” sabi pa ni Zarate.

Ayon pa sa mambabatas, malaki ang tinutubo ng Meralco dahil sila rin ang nagmamay-ari ng generation companies bukod sa sila ang distributor ng kuryente.

Diin ni Zarate, mistulang may panlilinlang sa bahagi ng Meralco sa tuwing idinadahilan ang generation charge gayung sa kanila rin nagmumula ang isinusuplay nilang kuryente sa mga konsyumer.

Read more...