Ngayong papalapit nang papalapit na ang eleksyon, sinabi ni Senator Christopher Go na inaasahan na niya ang pagkalat ng mga fake news ukol sa kanya.
Kayat binalaan niya ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga kakalat na impormasyon dahil aniya ito ay pagsasamantala sa mamamayan ngayon nahaharap pa ang bansa sa pandemya.
Gagawin ito aniya para isulong ang mga motibong pulitikal at pansariling interes.
“Inaasahan ko na yan ngayong papunta na tayo sa eleksyon. Walang katapusang kasinungalingan at pagpapakalat ng fake news na naman mula sa mga grupong walang ginawa kundi manira ng kapwa. Wala pong katotohanan lahat yan,” sabi nito.
Dapat aniya maging mapanuri ang mga tao sa mga kumakalat na impormasyon lalo na sa social media upang hindi maging biktima ng black propaganda.
“Hayaan na lang natin ang taumbayan na ang humusga kung sino ang tunay na nagtatrabaho, sino ang nagmamalasakit, at sino ang talagang nagseserbisyo sa bayan,” dagdag pa ni Go.