Sa mga kumakalat na larawan, makikitang tila nakatiwangwang sa pasilyo ng ospital ang mga bangkay ng pumanaw sa COVID-19.
Ayon sa saksi, hindi na kaayaaya ang kalagayan sa ospital dahil sa unang palapag umano ng ospital nakalagak ang mga nabubulok na labi katabi ang mga kwartong ginagamit para sa pagsasagawa ng CT Scan, 2D Echo, at blood bank.
Base sa ipinadalang larawan, matatanaw ang mga labi mula sa ikalawa at ikatlong palapag ng gusali.
Sa ikalawang palapag matatagpuan ang stay-in quarters ng mga nurse na naka-duty at mga silid para sa mga nagpopositibo sa nakahahawang sakit habang nasa ikatlong palapag naman ang tanggapan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at iba pa.
Base sa DILG-DOH Joint Memorandum Circular No. 1 Series of 2020, hindi maaaring patagalin ng higit sa 12 oras ang labi ng indibiduwal na pumanaw sa COVID-19 bago isagawa ang pagsunog o pag-cremate dito dahil lubos itong nakakahawa. Kung wala namang kaanak na kukuha sa mga labi, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang pagproseso ng libing o cremation.
Ayon sa isang insider, nagpatawag naman ng pagpupulong si Governor Danilo Suarez hinggil sa nabanggit na sitwasyon sa Quezon Medical Center.
Ngunit, ikinadismaya ng nasabing insider na natapos ang pagpupulong na tila wala umanong malinaw na solusyon upang maresolba ang sitwasyon.
Sa huling tala hanggang September 12, nasa 153 ang bagong kaso ng COVID-19 sa naturang probinsya.
Umabot naman sa 18,701 ang naka-recover sa sakit habang 1,079 ang nasawi.