COA, may hurisdiksyon para imbestigahan ang pondo ng Red Cross – Palasyo

Nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang na mayroong hurisdiksyon ang Commission on Audit (COA) para imbestigahan ang pondo ng Philippine Red Cross (PRC).

Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ng COA na wala silang hurisdiksyon sa PRC dahil isa itong pribadong organisasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakasaad sa Article 9 ng Konsitutsyon na maaring makapagsagawa ng post audit ang COA sa lahat ng accounts ng non-government entities na nakakukuha ng subsidy, equity sa gobyerno.

Una rito, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang i-audit ang pondo ng PRC dahil ginagamit ang pondo nito ni Senador Richard Gordon na tumatayong chairman ng organisasyon.

“May basehan ba ang sinasabi ni Presidente na humingi sa COA ng special audit para sa PRC? Mayroon po! Malinaw sa Section 4.8 na isa sa tungkulin ng pamahalaan ay ang mag-request sa COA para sa special audits of NGO on a case-to-case basis. Samantala, sa Section 6.2 ay nakasulat na ang COA ay may responsibilidad na magsagawa ng special audits ng NGOs/POs upon request by proper authorities or as determined by the chairman,” pahayag ni Roque.

Ipinunto pa ni Roque ang nakasaad sa Republic Act No. 10072 o Philippine Red Cross Act of 2009 na nag-aatas sa PRC na magsumite ng annual report sa Pangulo ng bansa kaugnay sa activities and financial condition ng organisasyon.

Nakasaad sa batas na honorary president ng Red Cross ang nakaupong pangulo ng bansa.

Isa aniya sa mga dapat na busisiin sa PRC ang COVID-19 RT-PCR testing at memorandum of agreement (MOA) sa Metro Manila mayors at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

“Ang advanced payment clause sa MOA ay klarong paglabag sa PRC charter at Bayanihan to Heal as One Act. Reimbursement in the distribution of goods and services ang pinapayagan. Reimbursement, walang advanced payment,” pahayag ni Roque.

Tanong ni Roque, bakit umaabot sa P3,500 ang sinisingil ng PRC sa RT-PCR test gayung dapat ay nasa P2,077 lamang ito kung ang kagamitan ay galing sa donasyon.

Nais din malaman ng pamahalaan kung mga donasyon o hindi ang mga makina na ginamit ng Red Cross para sa pagsasagawa ng RT-PCR test.

Sinabi ni Roque na simula nang maupo si Pangulong Duterte noong 2016, walang isnusumiteng report ng financial condition ang PRC.

Read more...