Mariing itinanggi ng Malacañang na may kinalaman sila sa mga rebelasyon ni Sen. Antonio Trillanes IV kaugnay sa mga umano’y ‘tagong yaman’ ni presidential candidate Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ni Communications Secretary Sonny Coloma ay matapos na isiwalat ni Trillanes ang listahan ng hindi bababa sa 40 mga real-estate properties na pag-aari umano ni Mayor Duterte at pamilya nito.
Ito ay bukod pa sa ibinunyag din kamakailan ni Trillanes na may mahigit 200 milyong pisong yaman umano si Duterte na nakadeposito sa isang bangko na hindi deklarado sa kanyang SALN.
Batay sa listahang ipinakalat ni Trillanes, ilan sa mga pag-aari umano ng pamilya Duterte na mga lupa’t bahay ay matatagpuan sa Davao City, Dipolog City, Parañaque City, Quezon City, San Juan City at Davao del Norte.
Ang mga titulo umano ng lupa ay nakapangalan sa mga anak ng alkalde na sina Sara, Sebastian at Paolo Duterte.
Giit ni Secretary Coloma, walang katotohanan at pawang spekulasyon lamang ang mga alegasyon na may kinalaman sila sa alegasyon ng pamilya Duterte na ang Palasyo ang may kinalalaman sa ‘black propaganda’ laban sa alkalde.
Mas makabubuti aniyang ipaliwanag na lamang ng alkalde sa taumbayan ang katotohanan sa likod ng mga alegasyon ng senador sa halip na maghanap ng sisisihin sa isyu.