Labis na ipinagtataka ni Senator Leila de Lima ang ginawang pagbawas ng Malakanyang ng P55 milyon sa anti-COVID 19 budget ng Department of Health.
Ayon kay de Lima, P74 bilyon ang hinihinging pondo para sa COVID 19 response, ngunit ginawa na lamang itong P19 bilyon.
Gayundin, ang P36.5 billion naman na para sa Philippine General Hospital ay bumaba na sa P20 billion.
Puna lang ni de Lima, ang pondo naman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay dinagdagan ng 75 porsiyento, mula sa P16 billion ay P28 billion na ang hinihingi.
Diin nito, tila hindi pinag-isipan at kawalan na ng puso ang ginawang pagtapyas sa pondo para sa pagtugon sa pandemya at pangangalaga sa kalusugan ng mga mahihirap.
“Sabagay, ano pa ba ang aasahan natin sa walang pusong Pangulo na mas inaatupag pa ang panggigipit at pagpatay sa ating mga kababayan. Hindi nga naman natin aasahan na bigyan niya ng halaga ang bawat Pilipino na nalalagay sa panganib dahil sa COVID-19, o ang ating mga healthcare workers na wala ng pahinga sa pagligtas ng buhay ng mga tinamaan ng virus,” sabi ni de Lima.
Aniya hindi dapat ipagsawalang-bahala ang hakbang na ito dahil hindi pagsusulong ito ng interes ng sambayanan.
“Baka naman kasi ang simpleng explanasyon sa tila katangahan at kawalan ng saysay na paggastos ay dahil mas madaling dumukot sa budget ng NTF-ELCAC kaya doon ibinubuhos ang pondo?” ang makahulugang tanong pa ng senadora.