Ito ang iginiit ng grupo ng health workers na nanindigang ibang administrasyon ang kailangan ng bansa para tuluyang makabangon sa pandemic na sa loob ng dalawang taon ay walang nagawa ang administrasyon Duterte habang sa ibang bansa ay normal na ang pamumuhay, sa Pilpinas ay nasa ikatlong COVID surge pa bunsod na rin ng palpak na covid response ng pamahalaan.
”Meron pa bang karapatan yung mga ganitong pulitiko? Ibig sabihin may gana pa ba silang tumakbo at iprisinta pa ang kanilang mga sarili sa harap ng mga ganitong pangyayari? Sa lahat ng failure of policies tapos sa harap ng mga ganitong anomalya? Paano ako boboto sa isang grupo ng pulitiko o mga pulitiko na pinabayaan ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan sa panahon ng krisis at sa panahon na nakita pala natin na marami palang pera na ganun ganun na lang binaboy yung proseso sa paggamit nito habang ang tunay na nangangailangan na healthworkers ay sinugal mo ang buhay,” pahayag ni Medical Action Group Chairperson Dr Nemuel Fajutagana.
Giit ni Fajutagana, wala na sa tamang pag-iisip kung ibabalik ang ganitong klaseng pulitiko na sinugal ang buhay ng frontliners, nakahiga sa mga hallway, overtime, double duty at underpaid.
“Ikaw ba sa tamang pag-iisip mo ay gusto mo pa bang bumalik yung mga ganitong klaseng pulitiko?,” giit ni Fajutagana.
Inamin ng grupo na isa sa naging malaking factor kung bakit pumalpak ang COVID-19 response ng Duterte administration ay ginamit ang sitwasyon ng COVID sa pamumulitika.
Inihalimbawa nito ang vaccination na maraming pagkakataon na na-ooverride ang mga health officer sa desisyon ng mga bakuna dahil sa pakikialam ng mga barangay,mayor at governor, lalong magulo pa kung magkaiba sila ng political affiliation.
“Bigla na nagse-certify ang mga local officials na indigent ito pero hindi naman nakalista doon sa regular na indigent. Bakit nangyayari ito? Kasi malapit na ang eleksyon, nagamit sa pulitika ang covid response, in aid of reelection ang naging programa,” paliwanag nito.
Ganito rin ang dahilan ng mga malalaking kontrata sa Department of Health (DOH) na pinondohan ng bilyong piso ngunit hindi nakarating sa tao, ani Fajutagana, transparency ang isa sa pinakamalaking kuwestiyon sa Duterte administration.
Aniya, sa buong mundo ay iisa lang ang COVID response na ginagawa at maraming bansa ang natugunan ang pandemic subalit sa Pilipinas ang naging malaking problema ay governance ng administrasyon.
“naging aid of reelection din yung mga questionable deals ng administration because they need funds for the campaign,” giit pa nito.
Naniniwala ang grupo na hindi rin si Mayor Sara ang makakatulong at maghahatid ng pagbabago sakaling maluklok ito sa pwesto, nakasisiguro umano na ang mga desisyon nito ay impluwensya din ng ama.
“sino pa ba ang mag-iinfluence sa anak? Sana nga kung siya, hoping she will be different. Eh lahat yun ay sana na lang eh. Pero sa nakaraang kasaysay na napagdaanan natin for the last almost six years na, mukhang mahirap isugal sa sana. Dapat talaga ay ibang iba ang ating mailagay, mailuklok. Ibang iba in the context of both principles, yung totoong crusader sa anti corruption at totoong concern sa pangangailangan ng mga tao, hindi lang ng mga health frontliners lalung lalo yung nasa vulnerable sectors na mas nagsa-suffer sa crisis na ito:paliwanag pa ni Fajutagana.
Nanindigan ang medical group na hindi na sina Pangulong Duterte o Mayor Sara ang dapat na iluklok, para magkaroon ng tunay na pagbabago.
“Kailangan talaga nating tingnan ang taong bago.It should be new politics and will also involve new people na sana ay alam nating malinis,” pagtatapos pa ng grupo.