Ikinatuwiran ni Gatchalian na napakahalaga na mabakunahan ang mga nasa edad 12 hanggang 17, na aniya ay labis naapektuhan ng pagsasara ng mga paaralan.
Paniwala niya ang pagbabakuna sa mga bata ang magiging daan para sa unti-unting pagbabalik ng ‘face-to-face classes.’
Binanggit nito ang resulta ng kinomisyon niyang Pulse Asia survey, na nagpakita na halos kalahati ang pabor sa pagbubukas muli ng mga paaralan.
Aniya kung masusunod ang inanunsiyo na maaring simulan ang pagbabakuna sa mga batang populasyon ngayon buwan o sa Oktubre dapat ay sinimulan na ng mga lokal na pamahalaan ang paghahanda.
“At this point, I can see that one of the solutions to open our schools safely is to already inoculate our teenagers,” sabi ni Gatchalian.
Dagdag pa nito, payagan na rin ang LGUs at private schools na bumili ng sarili nilang bakuna para sa kanilang mga guro, opisyal ng eskuwelahan at mga estudyante.
Una nang pinayagan ang Pfizer vaccine na maiturok maging sa mga bata simula sa edad 12.