Final testing at sealing ng VCMs gagawin sa May 2 hanggang 6

Itinakda ng Commission on Elections o Comelec sa May 2 hanggang 6, 2016 ang final testing at sealing o FTS ng mga vote counting machines o VCMs, na gagamitin sa May 9 polls.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang FTS, na alinsunod sa Comelec Resolution 9981, ay layon na matiyak na ang mga makina ay gumagana at nasa maayos na kondisyon bago ang halalan.

Sa FTS, magkakaroon ng end-to-end test, mula initialization ng mga VCM, pagboto ng nasa sampung tao, hanggang sa pagsalang ng mga accomplished ballot sa VCMs at pag-imprenta ng election returns.

Pagkatapos nito, ang mga VCM ay dapat selyado na at maikandado sa mga polling precint, at bubuksan lamang muli sa May 9, alas-singko ng umaga.

Sinabi ni Jimenez na makikibahagi sa FTS ang mga board of election inspectors o BEIs na idedeploy sa 92,509 na clustered precints.

Nilinaw naman ni Jimenez na hindi simultaneous o hindi sabay-sabay na isasagawa ang FTS, ibig sabihin pwede ito isagawa anumang araw mula May 2 hanggang 6.

 

Read more...