Legalisasyon ng ‘virtual wedding’ napag-usapan na sa Kamara

Tinalakay na ng House Committee on Revision on Laws ang panukalang-batas para sa legalisasyon ng ‘virtual wedding.’

Inaprubahan ng komite, na pinamumunuan ni Zambales Rep. Cheryl Deloso-Montalla ang substitute bill na naging House Bill 7042 o ang Virtual Marriage Act, na inihain ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo.

Una nang naaprubahan sa komite ang mga panukala na nagbibigay kapangyarihan sa mga mambabatas at gobernador na magkasal.

Sinabi ni Salo na sa ilalim ng Family Code na kinakailangan ang presensiya ng dalawang partido na nais magpakasal, gayundin ang dalawang testigo na nasa hustong gulang.

Ngunit katuwiran niya, dahil sa kasalukuyang pandemya, maraming kasalan ang kinansela o ipinagpaliban bunga ng quarantine restrictions, na nagbabawal sa mass gathering at nagtatakda ng physical distancing.

Aniya marami ang nagsasama na lang ng hindi kasal.

Paliwanag niya sa panukala, ang ‘video conferencing’ ang ‘new normal’ sa panahon ngayon at sabi niya; “the legal meaning of presence or personal appearance must now be liberally construed to include virtual presence or presence through videoconferencing.”

Aamyendahan ng panukala ang Articles 2,3 at 6 ng Family upang kilalanin na rin ang bisa ng ‘virtual wedding ceremony.’

Read more...