Sang-ayon si Vice President Leni Robredo na huwag munang magkasa ng ‘face-to-face classes’ dahil sa matinding banta ng mas nakakahawang Delta variant ng COVID 19.
Aniya maganda sanang oportunidad ang pagbabalik sa eskuwelahan sa mga lugar na walang kaso ng COVID 19.
“Ngayon panahon na ito, agree ako na nakasara iyong mga paaralan. Pero ang sa akin, iyong nakalipas na isa’t kalahating taon, missed opportunity iyon. Iyong wala pa iyong Delta variant, sobrang daming LGUs all over the Philippines iyong walang cases,” aniya.
Paniwala niya kung nagkaroon ng face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso ng COVID 19 ay maraming mag-aaral pa ang nakakuha ng edukasyon.
Sinabi nito na nakakasakit ng kalooban na maraming bata at kabataan sa mga mahihirap at liblib na bahagi ng bansa ang hindi nakapag-aral dahil sa pandemya.
“Kapag hindi na-educate lalo na iyong mga mahihirap, iyong wala masyadong access, malalayo, kapag hindi sila naka-aral pati iyong mga anak nila damay,” punto pa ni Robredo.