Matapos magtapos ang deadline para sa pagbibigay sa kanilang Special Risk Allowance (SRA), maagang kinalampag ng healthcare workers ang Department of Health (DOH).
Mula sa Jose Reyes Memorial Medical Center nag-martsa ang ilang medical frontliners patungo sa punong-tanggapan ng DOH para singilin si Sec. Francisco Duque III sa kanilang mga hindi naibibigay na benepisyo.
Sinabi ni Jocelyn Andamo, secretary general ng Filipino Nurses United, tinawag nilang ‘Nurse’s Countdown Ends’ ang kanilang kilos-protesta.
Ito ay patukoy sa huling araw ng pagbibigay sa kanila ng mga benepisyo na nagtapos kahapon.
Pagtitiyak ni Andamo na hindi sila titigil sa kanilang mga kilos-protesta hanggang hindi natutupad ang mga pangako sa kanila na napondohan naman sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, kasama na dito ang dapat na pagbibigay proteksyon sa kanila.