Muling itinutulak ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat ay libre sa buwis ang bayad sa mga guro na nagsisilbi sa araw ng eleksyon.
Paalala niya, 2019nang inihain niya ang Senate Bill No. 1993 na ang layon ay hindi na patawan ng buwis ang honoraria, travel allowance at iba pang benepiosyo na ibinigay ng Comelec sa mga guro at iba pang nagsisilbi sa eleksyon base sa RA 10756 o ang Election Service Reform Act.
Sa mga nakalipas na eleksyon, may limang porsiyentong buwis ang honoraria at allowances ng poll workers.
Sinabi ni Gatchalian na ang pagbibigay ng buong honoraria, allowances at benepisyo ay isang paraan para pasalamatan ang kanilang pagsisilbi sa eleksyon.
“Marami nang sakripisyo ang ating mga guro sa gitna ng pandemya bilang frontliners ng edukasyon. Sa susunod na taon, frontliners naman sila sa ating halalan. Bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo, napapanahong ‘wag nang patawan ng buwis ang kanilang mga sahod at benepisyo sa panahon ng eleksyon,” ayon pa sa senador.
Una nang inaprubahan ng Comelec ang pagbibigay ng karagdagang P3,000 sa honoraria ng mga guro at iba pang poll teachers, ngunit maaring maapektuhan ito nang tapyasan ng 37 porsiyento ang pondo ng ahensiya sa susunod na taon.