Dapat ay pinag-iisipan ng husto ng mga ahensiya ng gobyerno ang paghingi ng pondo mula sa Kongreso.
Ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III kaugnay sa mga nabubunyag na ‘underspending’ ng ilang ahensiya at dapat aniya ay palaging inuuna na ang mga unang napopondohan ay ang mga mahahalagang programa.
“All these reports about government agencies underspending or not using their approved budgets is worrisome. Mas marami sana tayong nailaan na pondo para sa Covid-19 response at recovery program. Umutang ang pamahalaan para pondohan ang mga programang ito. Sayang ang interes na ating binabayaran kung hindi naman pala gagastusin ng mga ahensiya ang perang nakalaan para sa mga proyekto at ibabalik lamang nila ang pondo sa gobyerno. Bakit pa tayo umutang kung may sobrang pera pala?” sabi ni Sotto.
Ipinagtataka din nito ang paghingi ng pondo ng mga opisyal ng gobyerno para sa mga proyekto na hindi naman nila nagagawa.
“Why ask for money which you will not use anyway? You are wasting funds which could be used for more important programs, such as for mass COVID-19 testing, purchase of vaccines and other health services. There is also the special risk allowance for our healthcare workers. Ito sana ay nabibigyan ng mas malaking pondo kung may sapat na pera ang pamahalaan,” hirit pa nito.
Diin niya alam naman ng mga opisyal na ang mga hindi nagagamit na pondo ay ibabalik lamang sa National Treasury at hindi maaring ilipat sa ibang programa ng hindi aprubado ng Kongreso.
Paalala niya na nagsimula na ang deliberasyon sa 2022 national budget kayat pakiusap niya na unahin ang pagpopondo na may kaugnayan sa kalusugan, ekonomiya, edukasyon at imprastraktura.