Ilang palapag sa Anala Tower – Anuva Residences sa Muntinlupa, isinailalim sa 15-day ELCQ

(UPDATED) Isinailalim sa Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang ilang palapag sa Anala Tower sa Anuva Residences sa bahagi ng Barangay Buli sa Muntinlupa City.

Base sa update ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa, kabilang sa mga isinailalim sa ELCQ ang mga sumusunod na palapag: 1, 8, 9, 11, at 14.

Sa Executive Order No. 35, Series of 2021, idineklara ni Mayor Jaime Fresnedi ang deklarasyon ng 15 araw na ELCQ, base sa rekomendasyon ng City Health Office (CHO).

Sa datos mula sa City Health Office, noong nakaraang linggo dalawang kaso lang ang naitala sa nabanggit na condominium building ngunit umakyat na ito sa walo.

Nabatid na ang isa sa walong kaso ay nasawi.

Paliwanag ng alkalde, idineklara ang ELCQ kasunod ng mataas na kaso ng COVID-19.

Ipinaalala ni Fresnedi kay Erwin de Guzman, manager ng Anuva Residences, na walang papayagang makalabas na residente ng mga nabanggit na palapag kahit ang Authorized Persons Outside Residence (APORs) maliban na lang sa emergency cases.

May 489 ang nakatira sa Anala Tower, kabilang ang 17 senior citizens, dalawang may kapansanan at isang buntis, bukod pa sa may 11 bata na may edad lima pababa.

Epektibo ang ELCQ simula 6:00, Martes ng gabi (August 31), hanggang 6:00, Miyerkules ng gabi (September 15).

Ito na ang pang-15 lugar at gusali sa lungsod na isinailalim sa ELCQ.

Read more...