PNP, iimbestigahan ang pagpatay sa isang pulis sa Bacolod

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa pagpatay sa isang pulis sa Bacolod City.

Sakay ng kaniyang motorsiklo si Police Staff Sergeant Joseph Nepomoceno nang pagbabarilin noong August 29.

Nagtamo ang biktima ng maraming tama ng bala ng baril na naging dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Nakatalaga si Nepomoceno sa anti-drug unit ng Bacolod City police.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, titignan ang lahat ng anggulo upang malaman kung ano ang tunay na motibo sa pagpatay kay Nepomoceno.

“Inatasan ko na ang Bacolod City Police at ang Western Visayas Police Regional Office na tutukan ang kaso ng pagpatay kay SSG Joseph Nepomuceno para sa agarang pagkakadakip ng mga salarin,” saad nito.

Nagparating naman ng pakikiramay ang hepe ng pambansang pulisya sa naulilang pamilya ng pulis.

Tiniyak nito na ibibigay ang lahat ng mga kakailanganing tulong ng pamilya.

Nangako rin si Eleazar sa pamilya na makakamit ang hustisya para sa pulis.

Hinikayat naman ng PNP Chief ang mga saksi at indibiduwal na maaring may impormasyon ukol sa krimen na makipagtulungan sa mga awtoridad para mahuli ang mga salarin.

Read more...