Sinabi ni Senate Minority Leader Frank Drilon na ang hamon ngayon sa mga naging pagbubunyag sa mga naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay matanggalan ng maskara ang ‘mystery backer’ ni dating Budget Undersecretary Christopher Lao at Pharmally Pharmaceutical.
Paliwanag niya kapag nakilala ang ‘mystery backer’ ay maari nang mapagtibay ang hinihinalang ‘corruption scandal’ sa pagbili ng bilyon-bilyong pisong kagamitan gamit ang COVID 19 funds.
Naniniwala si Drilon na hindi makakakilos si Lao ng walang basbas ng isang maimpluwensiyang tao.
“Sino ba yung backer ni Lao? Sino ba yung backer ng Pharmally? Huwag n’yo nang itago dahil lalabas din ang katotohanan,” ang pagtatanong ni Drilon kay Lao sa huling pagdinig ng nabanggit na komite.
Iniuugnay si Lao sa sinasabing ‘overpriced’ sa pagbili ng mga overpriced medical supplies.
Paalala pa ng senador noon pa lang nakaraang Setyembre ay pinuna na niya ang labis-labis na halaga ng mga medical supplies na binili ng Procurement Service ng Budget Department na pinamunuan ni Lao.
Duda ng senador may koneksyon ang pagkakatalaga ni Lao sa DBM kahit may reklamo sa kanya ng pangongotong noong siya ay opisyal pa ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) at nang magparehistro ang Pharmally Pharma sa Securities and Exchange Commission (SEC) na may kapital lamang na P625,000 noong Setyembre 2019.