Tiniyak ni Senador Bong Go na tuloy ang kampanya ni Pangulong Rodrigo kontra korupsyon.
Pahayag ito ni Go sa gitna ng kontrobersiya na kinasasangkutan ngayon ni Health Secretary Francisco Duque dahil sa pagpuna ng Commission on Audit sa P67 bilyong COVID fund.
“As a senator and member po of the Blue Ribbon Committee, nakikiisa po ako sa inyo rito at kasama n’yo po ako dito na gustong malaman ang katotohanan,” pahayag ni Go.
Wala aniyang sasantuhin ang Pangulo at papapanagutin ang sino mang nangurakot sa pondo ng bayan.
“Panagutin po ang dapat panagutin, kasuhan po ang dapat kasuhan, ikulong po ang dapat ikulong. Seryoso po si Pangulong Duterte sa kampanya laban sa korapsyon, wala kaming pinapalampas kahit sino ka man, kahit saan ka man nanggaling basta napatunayang sangkot ka sa korapsyon, dapat kang managot,” pahayag ni Go.
Hinihimok ni Go ang Commission on Audit at Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon at kasuhan ang mga dapat na kasuhan.
“Kaya nga po nakikiusap ako sa COA, sa Ombudsman na imbestigahan, panagutin ang may anomalya. Kaya nga po may COA, Ombudsman, at Sandiganbayan tayo – imbestigahan, kasuhan, at ikulong ang dapat managot,” pahayag ni Go.
“Iyan naman po ang trabaho nila para matigil na po ang mga haka-haka dahil sabi ko nga unfair naman po ito sa mga nagtatrabaho po nang matino,” dagdag ng senador.
Umapela naman si Go sa publiko na iwasan munang manghusga sa kapwa hanggat walang matibay na ebidensya.