Nagbanta si Televangelist Apollo Quiboloy na pamumunuan niya ang isang rebolusyong kapag nadaya sa May 9, 2016 elections ang sinusuportahan niyang si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Si Quiboloy ay founder ng Davao-based religious sect na “The Kingdom of Jesus Christ”. “If there is cheating there, will be a revolution. I will lead a people’s revolution,” banta ni Quiboloy.
Binanggit ni Quiboloy ang mga natanggap niyang ulat na nagkaproblema ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) nang sila ay bumoto sa pamamagitan ng overseas absentee voting.
Ani Quiboloy, marami ang nagsabing hindi lumabas sa kanilang resibo ang pangalan ng binoto nilang kandidato. Sinabi ni Quiboloy na madaling matukoy kung madadaya si Duterte lalo pa at sa mga campaign rallies nito ay talagang dagsa ang kaniyang mga tagasuporta.
Hayag ang pagsuporta ni Quiboloy kay Duterte, katunayan, pinapagamit pa nito ang kaniyang private plane at helicopter para sa pangangampanya ng alkalde.
Dagdag pa ng religious sect leader, tanging pandaraya na lang ang magiging dahilan para mawala ang tsansang manalo sa eleksyon si Duterte lalo pa at napakalaki ng lamang nito sa surveys.
Babala ni Quiboloy, hindi papapayag ang supporters ng mayor na ito ay madaya. “If you cheat Duterte, (who has) a 12-percentage point ahead of his opponents, there will be a revolution. I will lead a revolution of the people if that happens. I will not allow it,” ayon kay Quiboloy.