Mandirigma, isang kakaibang aklat ng kasaysayan ng pakikidigma sa Pilipinas

Marami ng libro ukol sa kasaysayan ng mga digmaan sa bansa ang nailathala, ngunit iba ang “Mandirigma—Uniforms and Equipment of The Filipino Warrior, 1935-1945.”

Ayon sa historian at manunulat na si Mike Villa-Real, sa libro, na isinulat nina Albert Labrador, Tony Feredo, Donn Fernandez at Dondi Limgenco,  matutunghayan naman ang mga pagsasalarawan at retrato ng mga uniporme na isinuot ng mga sundalong Filipino, gayundin ng mga gerilya na nakipaglaban sa mga kabundukan ng Mindanao.

Hitik din ang libro, ayon pa rin kay Villa-Real, ng mga high resolution, large format na mga larawan ng ‘re-enacted scenes’ na kinunan mula 2009 hanggang ngayon taon.

Sabi pa nito, may mga aktuwal na retrato din ng mga tagpo noong World War II kayat tiyak na kagigiliwan ng mga makakabasa, may edad man na o bata, o maging ng mga mahihilig sa kasaysayan ang librong Mandirigma.

Dahil sa mga natatanging retrato, mas magiging kapanapanabik ang bawat paglipat sa bawat pahina.

Matutunghayan din sa libro ang naging buhay ng mga libo-libong nagbuwis ng kanilang buhay para ipaglaban ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kasama na ang mga nagsilbi sa USAFFE, Philippine Army, Philippine Constabulary, Philippine Scouts at sa ibat-ibang guerilla groups simula noong Commonwealth Period, sa Japanese Occupation hanggang sa Liberation period.

Base sa obserbasyon pa rin ni Villa-Real, masusing pagsasaliksik at pag-aaral  ang ginawa sa bawat uniporme na tampok sa libro.

Sa paggunita muli ng bansa ng National Heroes Day ngayon taon, sinabi ni Villa-Real na nabigyan ng mga sumulat ng pagkilala at karangalan ang mga bayani noong World War II.

Read more...