Pinawi ng Smartmatic-TIM (Total Information Management) ang pangamba ng publiko kaugnay sa posibilidad na mahack o makompromiso ang resulta ng automated na halalan.
Sa pagharap ng Smartmatic sa Meet Inquirer Multimedia Forum, tiniyak ng Smartmatic na 100% na silang handa sa halalan na gaganapin sa May 9.
Ayon sa kanilang voter education chief na si Karen Jimeno, napakaraming security features ng sistema ng Smartmatic, at inihalintulad niya pa sa pelikulang “Mission: Impossible” ang dadanasing hirap ng sinumang mag-tangkang i-hack ito.
Ipinaliwanag naman ni Smartmatic general manager for the Philippines Elie Moreno na mayroong maraming levels of encryption ang mga vote counting machines (VCMs).
Kabilang na dito ang multilevel user authorization, digital signatures o fingerprint, authentication access control at mga encrypted files.
Tiniyak rin ni Moreno na lahat ng ibinigay nilang VCMs sa COMELEC ay na-configure, at 90 percent na ng mga ito ay na-deliver na sa mga dapat pagdalhan.
Lahat rin aniya ng mga balota ay na-imprenta at naberipika na kaya naman pwede nang gawin ang halalan anumang oras mula ngayon.
Mas lumalim kasi ang duda ng publiko lalo na ng mga botante kaugnay sa seguridad ng sistema ng automated elections dahil sa pagkaka-hack ng website ng Commission on Elections (COMELEC) at pagkaka-buklat ng kanilang mga personal na impormasyon sa isang website.