Nagpaliwanag ang Palasyo ng Malakanyang sa pag-edit sa recorded na Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasabing uurong siya sa pagtakbo sa pagka-bise presidente sa 2022 national elections kung tatakbong presidente ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, family matter kasi ang naturang usapin kung kaya mas makabubuting hayaan na lamang itong pribado.
Sinabi pa ni Roque na hindi niya alam kung sino ang nagpasya na tanggalin ang naturang bahagi ng pahayag ng Pangulo dahil ibang departamento ang nakatalaga sa pamamahala sa editing.
Ayon kay Roque, karaniwan nang ini-edit ang Talk to the People dahil masyadong mahaba ang pagpupulong.
Hindi naman aniya maaring i-broadcast ang buong meeting na karaniwang inaabot ng limang oras.
Matatandaang sa Talk to the People ng Pangulo noong Martes, kinumpirma nito na tatakbo siyang bise presidente sa susunod na eleksyon.
Pero hindi na inire ang bahagi ng pahayag ng Pangulo na uurong siya sa pagka-bise preisdente kung tatakbong presidente si Mayor Sara.