Layon ng protestang ikakasa ng Anonymous ay para himukin ang DOJ na sampahan ng kaso at imbestigahan ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay ng tinaguriang ‘Comeleak’.
Iginigiit kasi ng nasabing organisasyon ng mga hackers na nagkaroon ng kapabayaan ang COMELEC sa pag-protekta ng impormasyon ng mga botante, lalo na nang magawa pa itong ilagay ng isa pang grupo na Lulzsec Philippines sa isang website na “wehaveyourdata.com”.
Ang Anonymous Philippines rin ang unang nanghack sa website ng COMELEC na sinundan naman ng Lulzsec Philippines.
Samantala, naaresto naman na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pang hacker na hinihinalang nasa likod ng pagkuha ng mga impormasyon ng mga botante at paglalagay nito sa “wehaveyourdata.com”.
Nakilala ang suspek na si Jonel de Asis, 23 anyos na IT expert.
Inamin naman nito na siya ang mastermind sa pangha-hack ng website ng COMELEC at pag-download ng 340 gigabyte na data mula dito.
Ayon sa kaniya, nais lamang niya ipakita at patunayan kung gaano kahina ang website ng poll body.