Naganap ang pagsabog, Miyerkules ng gabi sa Tambo Elementary School at sa kabutihang palad, wala namang nasaktan.
Matatandaang anim na paaralan ang nauna nang pinasabog sa Sultan Mastura noon namang madaling araw lang ng Miyerkules.
Ayon kay Army 603rd Infantry Brigade commander Col. Earl Badiao, iniutos na niya ang pagpapadala ng mas maraming sundalo sa lugar para tiyakin ang mapayapang halalan sa lugar.
Ayon naman kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) police spokesperson Senior Insp. Ronald de Leon, isang armadong grupo ang nais na mailagay ang kanilang bayan sa ilalim ng kontrol ng Commission on Elections (COMELEC).
Base sa kanilang intelligence reports, ang pagpapasabog sa mga paaralan umano ang paraan ng armadong grupo para maging clustered na ang mga presinto sa halalan.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Sultan Mastura election officer Kurais Dali na ang kanilang lugar ay hindi pa isinasailalim sa COMELEC control dahil mayroon pang mga paaralang magagamit bilang presinto sa halalan.
Hinihinalang iisa lang ang may gawa sa naunang anim na pagpapasabog at ng huling insidente, pero tiniyak ni De Leon na nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon ukol dito.