Dalawang reclusion perpetua ang inihatol na parusa sa dating pulis na pumatay ng mag-ina sa Paniqui, Tarlac noong nakaraang Disyembre 20.
Sinabi ni Central Luzon Police director, Brig. Gen. Val de Leon, ang hatol kay Jonel Nuezca ay bunga ng pagpatay niya sa mag-inang sina Sonya at Frank Anthony Gregorio.
Dagdag pa ni de Leon inutusan din ng korte si Nuezca na bayaran ng P952,560 ang mga naulilang pamilya bilang danyos.
Magugunita na kinompronta ni Nuezca si Frank Anthony dahil sa ‘boga’ at kasama niya ng mga oras na iyon ang kanyang batang anak na babae.
Dinipensahan naman ni Sonya ang anak at nagkaroon na ng mainitang pagtatalo ang tatlo na humantong sa pamamaril ng dating pulis sa mag-ina.
Tumakas pa si Nuezca ngunit sumuko din ito sa Rosales Police Station sa Pangasinan kung saan inamin niya ang nagawa.
Nakuhanan ng video ang buong pangyayari sa pamamagitan ng cellphone at naging viral ito sa social media.
Ang hatol na reclusion perpetua ay may katumbas na 20 hanggang 40 taon na pagkakakulong.