Bagong pasilidad sa Siquijor Airport, nakatakda nang pasinayaan

Nakatakda nang pasinayaan ang mga bagong pasilidad sa Siquijor Airport.

Pangungunahan ni Transportation Secretary Art Tugade ang seremonya para sa bagong passenger terminal building (PTB), powerhouse, at vehicular parking area (VPA) ng naturang paliparan sa araw ng Huwebes, August 26.

Sinimulan ang pagsasaayos sa Siquijor Airport noong March 1, 2018 at natapos noong July 30, 2021.

Mula sa dating 10, kaya nang ma-accommodate ng bagong PTB ang 60 pasahero. Ngunit dahil sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa social distancing upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, 40 pasahero muna ang maseserbisyuhan sa naturang pasilidad.

Nakumpleto na rin ang pagsasaayos at maintenance ng perimeter fence at concrete pathwalk, runway provision, taxiway at apron markings.

Target namang dagdagan ang pagpapabuti ng Siquijor Airport kabilang ang asphalt overlay at extension ng runway.

Samantala, nakatakda ring pasinayaan ang upgraded Siquijor Port.

Sakop ng proyekto ang konstruksyon ng RC Wharf na may Ro-Ro ramp, back-up area, at port lighting system.

Sinimulan ang seaport project noong March 10, 2018 at natapos noong March 23, 2021.

Dahil sa pinaigting na pasilidad, mas mabilis na ang turnaround time ng mga barko, mapapaigsi ang paghihintay ng mga pasahero, at mababawasan ang mga nakapilang rolling cargoes.

Bago ang isinagawang pag-upgrade, aabot lang sa apat na ferry ang kayang maserbisyuhan ng Siquijor Port. Pero matapos ang renovation, aabot na sa walong barko at dalawang Ro-Ro vessels nang magkasabay.

Mapapabuti rin ng pantalan ang employment, local trade, at investments sa probinsya.

Sa kasagsagan ng konstruksyon, nagbukas ng 35 trabaho sa naturang proyekto. Matapos makumpleto, inaasahang dadami pa ang job opportunities sa mga residente ng Siquijor, lalo na sa tourism sector at iba pang tourism-related industries.

Read more...