Umabot sa 150 pulis-Maynila ang sumalang sa surprise drug test.
Nabatid na mga pulis na nakatalaga sa Manila Police District – Station 14 ang sumailalim sa drug test.
Sinabi naman ni MPD director, Police Brig. Gen. Leo Francisco bahagi ito ng ikinakasang ‘internal cleansing campaign’ ni PNP Chief Guillermo Eleazar.
Diin niya kailangan lang na matiyak na walang drug-user sa hanay ng kanyang mga opisyal at tauhan.
Paliwanag pa nito, kapag nag-positibo sa drug test ang pulis ay sasailalim ito sa confirmatory test.
Ito aniya ay babawian ng issued firearm at iimbestigahan, bago kakasuhan kung may sapat na ebidensiya.
Naibahagi ng opisyal na simula nang maupo siya sa puwesto noong nakaraang Disyembre, isang pulis-Maynila na ang nasibak sa serbisyo dahil sa paggamit ng droga.