Sen. Risa Hontiveros gustong maimbestigahan ang payment issues ng private hospitals at Philhealth

Naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros at hinimok ang Senado na imbestigahan ang isyu sa pagbabayad ng Philhealth sa mga pribadong ospital.

“Ang mamamayang Pilipino ang nalulugi sa bangayan ng PhilHealth at private hospitals. Sa bawat araw na hindi nalulutas ang isyung ito, may mga pasyenteng matinding nag-aalala kung saan kukuha ng pambayad sa ospital. The Senate must investigate because we simply cannot leave the public hanging,” sabi ng senadora.

Sa kanyang Senate Resolution No. 880, nabanggit ni Hontiveros ang Philhealth Circular No. 2021-0013 na nagsususpindi sa pagbabayad sa singilin ng mga pribadong ospital na iniimbestigahan sa loob ng 120 araw.

Bunga nito, inanunsiyo ng Private Hospital Association Inc. (PHAPi) at Philippine Hospital Association (PHA) na kakalas na sila sa Philhealth kayat hindi magagamit ng Philhealth members ang kanilang benepisyo sa kanilang mga ospital.

Sinabi ni Hontiveros na malaki ang epekto ng hindi muna pagbabayad sa Philhealth claims sa mga maliliit na ospital at treatment centers, gayundin sa kanilang health workers.

“Pinaghirapan nating ipasa ang Universal Health Care Act (UHC) para masiguradong lahat ng Pilipino ay may access sa health services at walang sinuman ang kailangang malubog sa utang dahil lang sa isang kapamilyang nagkasakit. Mas lalong dapat tiyakin na walang harang sa paggamit ng health services ngayong panahon ng krisis. We should not allow an impasse during this crucial time of a public health emergency,” dagdag pa ng senadora.

 

Read more...