Nagpahayag na ng kanilang solidong suporta ang Bicolandia, sa pangunguna ni Vice President Leni Robredo, sa kandidatura ni Senator Leila de Lima sa eleksyon sa susunod na taon.
Sa kanyang mensahe sa paglunsad ng #LabanLeila2022 campaign volunteer network, sinabi ni Robredo na alam at batid niya na hindi nag-iisa si de Lima sa paglaban nito para sa katarungan, demokrasya at Kalayaan.
“Patunay kayo na almost five years into her unjust detention, never mag-isa si Senator Leila. Wala sa ating nag-iisa at patuloy lang tayong dumadami, patuloy lang na lumalakas ‘yung boses natin, patuloy lang tumitibay ang paninindigan sa tama, sa mabuti, sa makatarungan,” sinabi pa ni Robredo.
Dagdag pa niya na masusulat sa kasaysayan ng bansa na ngayon ay panahon ng kawalan ng hustisya dahil may mga indibiduwal na may tapang, dignidad at integridad, tulad aniya ni de Lima ay nagsasakripisyo ng panahon sa ngalan ng mga karapatan at katotohanan.
Sa kanyang mensahe naman sa kanyang mga kapwa Bicolanos, taos-pusong nagpasalamat si de Lima na patuloy at lumalawak pang suporta na natatanggap at aniya ang mga naniniwala at lumalaban para sa kanya ang kanyang inspirasyon para patuloy na harapin ang mga hamon.
Ang mga volunteers na nakiisa sa campaign rollout ay pinangunahan ni Iriga City Mayor Madel Alfelor.