Bilang pagtalima sa direktiba ni Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, pinalawak ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang sakop ng serbisyo sa 112 opisina sa buong bansa.
Ayon sa ahensya, nakapagpatayo ng 23 bagong LTO District Offices (DOs), 42 bagong Extension Offices (EOs), at 47 na bagong Driver’s License Renewal Offices (DLROs) simula nang simulan ang pagpapalawak noong 2016.
Bilang resulta, sinabi ni Tugade na makakatipid sa oras at gastusin ang mga motorista at may-ari ng sasakyan, at maaasahan ang mas maayos at mabilis na serbisyo sa LTO.
“Ang pagtatayo natin ng mga LTO District Offices, Extension Offices and Driver’s License Renewal Offices ay upang ilapit sa mga Pilipino ang serbisyo. Gusto natin na ang serbisyo publiko, accessible sa lahat. Hindi ang mga tao ang magpapakahirap lumapit para makakuha ng serbisyo sa LTO, kung hindi ang LTO ang lalapit sa mga tao,” saad ng kalihim.
Malaking hakbang ang naisagawa ng LTO dahil mula 2012 hanggang 2016, 20 DOs, EOs, at DLROs lamang ang naitayo.
Makatutulong ang mga opisina para matugunan ang driver’s license applications, vehicle registrations, at iba pa.
“Noon, bago tayo maupo sa panunungkulan, iilan lamang ang mga District Offices, Extension Offices at DLROs. Sa ating tala, hindi pa lumagpas ng sampu ang mga ito. Ngayon, sa tulong ng mas maraming karagdagang opisina, mas maraming Pilipino rin ang naabot ng ating serbisyo. Mas madali at mas mabilis ang pakikipagtransaksyon sa LTO bilang ating pagtugon sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business,” paliwanag ni LTO Chief at Assistant Secretary Edgar Galvante.
Bukas din aniya ang mga DLRO tuwing Sabado upang ma-accommodate ang mga indibiduwal na hindi kayang makapagtransaksyon tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Mayroon ding itinayong DLRO sa mga high-traffic location tulad ng mall at commercial center upang matulungang mapabilis ang pagpapa-renew ng driver’s license ng publiko.