Sa tinagal-tagal na panahon, ngayon lang nakaranas ang mga kawal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na makahawak at makagamit ng mga bagong sandata.
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat kay Pangulong Aquino si Lt. Gen. Hernando Iriberri, bagong hepe ng Armed Forces of the Phillippines (AFP).
Sinabi ni Iriberri na dahil sa suporta ni Pangulong Aquino sa sandatahang lakas, marapat lamang na suklian ito ng katapatan at serbisyong walang katulad ng mga sundalo. “Sa tagal ng panahon ngayon lang ulit nakahawak at nakagamit ang inyong kasundaluhan ng mga bagong kagamitang pandigma. Kaya dapat lamang na suklian namin ng katapatan at serbisyong walang katulad ang ating bayan. Maraming Salamat mahal na Pangulo,” ayon kay Iriberri.
Nangako rin si Iriberri na iingatan ang tiwalang ibinigay sa kaniya ni Pangulong Aquino bilang bagong pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ilan lamang sa mga tiniyak ni Iriberri ang pagpapatuloy ng pagsusulong ng pagbabago sa hanay ng militar at pagtiyak na ang eleksyon sa 2016 ay magiging mapayapa.
“To our countrymen, ‘I am all yours to serve’, to my countrymen ‘I am all yours to lead and command,’ dagdag pa ni Iriberri.
Hamon naman ni PNoy kay Iriberri, ‘ipagpatuloy ang magandang nasimulan ng nagretirong si Gen. Gregorio Pio Catapang at lalo pang itaas ang kalidad ng serbisyo ng mga sundalo’./ Dona Dominguez-Cargullo