Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggagawad ng parangal sa mga atletang Filipino na sumabak at nag-uwi ng medalya sa 2020 Tokyo Olympics.
Isinagawa ang awarding ceremony sa Rizal Hall sa Malacañang Palace, Lunes ng gabi (August 23).
Alinsunod sa Republic Act No. 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, ang mga atletang magwawagi ng gold medal sa Summer o Winter Olympic Games ay makakatanggap ng P10 milyong cash incentive, ang silver medalist ay makakatanggap ng P5 milyon habang P2 milyon naman sa bronze medalist.
Maliban sa cash incentives, ginawaran ng Order of Lapu-Lapu, Rank of Kamagi Medal sina Tokyo Olympics medalists Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial, at maging si 1996 Olympic boxing silver medalist Onyok Velasco.
Presidential Medal of Merit naman ang iginawad ng Pangulo kay Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.
Binati ng Pangulo ang mga atleta para sa pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Inspirasyon aniya ang ipinapamalas na pagsisikap, dedikasyon at sportsmanship ng mga atleta sa kabila ng mga pagsubok sa gitna ng training at kompetisyon.
“I am confident that you will get better and stronger in securing more victories in the future,” pahayag ng Pangulo.
Aniya pa, “Your success will continue to motivate many aspiring athletes and our Filipino youth to channel their energies into sports and other productive activities, keeping them away from the harmful vices.”
Nakatanggap naman ang Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission ng presidential citation para sa pagsuporta at pagtulong sa mga atletang Filipino sa nagdaang Olympics.