Isinagawa ang fact-finding investigation ng NBI – Special Action Unit sa di umano’y matagal nang naantala at hindi natapos na mga proyekto na may kabuuang halaga na P149 milyon.
Batay sa 38 pahinang joint affidavit complaint ng NBI- Special Action Unit at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), may nakitang paglabag sa implementing rules and regulations ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act laban kay Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla at 15 mga dati at kasalukuyang opisyal ng lalawigan kaugnay ng matagal ng naantala at hindi natapos na mga proyekto na kinabibilangan ng Nueva Vizcaya Convention Center (P88.7 milyon), Improvement at Expansion ng Provincial Capitol Building Phase 1 at Phase 2 (P20 milyon); at Convention Hall sa Lower Magat Eco – Tourism Park sa Diadi, Nueva Vizcaya (P40.5 milyon).
Nadiskubre rin ng COA batay sa sertipikasyon na ipinalabas ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) na ang Sharysu Builders and Marketing na siyang contractor ng mga proyekto ay matagal ng inalis sa listahan ng mga accredited contractor simula pa 2007 dahil sa hindi nito pagre-renew ng kanyang lisensya.
Napag-alamang ng COA na hindi pinatawan ng P1.2 milyong damages ang contractor gayung labis ng pagkaantala at hindi natapos na mga proyekto.
Inerekomenda ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kina Padilla at 15 iba pa, kabilang ang mga kasong paglabag sa Republic Act No.3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act at kasong administratibo na Grave Misconduct Detrimental to the best interest of the service.
Hinilng din ng PACC na suspindihin si Padilla sa kanyang pwesto upang hindi maimpluwesiyahan ang imbestigasyon ng Ombudsman.