Nalulungkot at nababahala na ang Palasyo ng Malakanyang sa tumataas na bilang ng mga Filipino sa Amerika na nabibiktima ng hate crimes.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, halos lahat ng mga Filipino ay mayroong kamag-anak sa Amerika.
Apela ni Roque sa mga kinauukulan, matigil na sana ang mga karahasan sa Amerika.
“Well, nakakalungkot po iyan at nakakabahala. Unang-una, halos lahat tayo ay mayroong kamag-anak sa Amerika at ayaw nating maging biktima ang ating mga kababayan. Pero siguro mas nakakaabala [nakakabahala] iyan kasi iyong mga kababayan natin, mga kamag-anak natin nagpunta sa Amerika kasi alam natin what drives America is the hopes and aspirations ng mga immigrants. So parang kapag pag-iinitan mo iyong mga immigrants ay pinag-iinitan mo iyong, kumbaga, kaluluwa ng Amerika mismo as the land of immigrants. So sana po ay matigil na ito at nakakalungkot po at nakakabahala,” pahayag ni Roque.
Base sa datos ng Stop Asian American Pacific Islander, nasa ikatlong puwesto ang mga Filipino sa mga lahi sa Asya na nagiging biktima ng hate crimes sa Amerika.