80 porsiyento ng COVID 19 patients sa mga ospital hindi pa nabakunahan

Ibinahagi ni National Task Force Against COVID 19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na 80 porsiyento ng mga COVID 19 patients sa mga ospital ay wala pang bakuna laban sa nakakamatay na sakit.

Ito aniya ay base sa mga impormasyon mula sa mga nakausap niyang medical directors ng mga ospital.

Sinabi nito na ang 10 hanggang 15 porsiyento naman ng mga dinala sa mga ospital ay may first dose na, habang ang natitirang bahagi ay may comorbidities o may immunosuppression kayat hindi halos umepekto ang bakuna.

“So, alam naman natin iyon na puwede pa ring mahawa iyong one dose at mayroong maliit na porsiyento na naka-two doses na naa-admit din doon sa ICU at ito naman kapag sinusuri namin, sila iyong may mga comorbidity or immunosuppression, iyong para nahihirapan talaga ang bakuna na mag-effect ng immune response, ” aniya.

Kaya’s diin nito kailangan na patindihin muli ang pagpababakuna, na aniya ay bumagal nang pairalin na naman ang enhanced community quarantine (ECQ).

Read more...