Sitwasyon sa Mindanao, kontrolado pa rin – PNP

INQUIRER.net file photo

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) na kontrolado pa rin ang sitwasyon sa Mindanao.

Pahayag ito ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar matapos magbabala si Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research Chief Rommel Banlaoi sa posibleng spillover sa Mindanao kasunod ng tensyon sa Afghanistan.

Mahigpit aniya ang ugnayan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maharang ang anumang pag-atake na posibleng ikasa ng mga teroristang grupo.

“Sa ngayon, maayos at kontrolado natin ang sitwasyon doon. Patuloy ang ating koordinasyon sa militar para magbantay at matiyak na hindi makapagsasagawa ng anumang pag-atake ang mga local terrorist groups sa Mindanao,” pahayag ni Eleazar.

Dagdag ng hepe ng PNP, “I assure the public that the police and military will not allow a spillover of the Afghan conflict. Hindi namin hahayaan na makapaghasik ng kaguluhan sa bansa ang mga lokal na terorista para sabayan ang gulo sa Afghanistan.”

Aniya, magpapatupad ang kanilang hanay ng full alert at palalakasin din ang intelligence gathering operations para matiyak na walang spillover sa Katimugang bahagi ng bansa.

Hinimok din ni Eleazar ang publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang mga kahina-hinalang insidente na posibleng maging banta sa kaligtasan ng komunidad.

Read more...