Patuloy na tinututukan ng PAGASA ang Low Pressure Area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi ni PAGASA weather specialist Joey Figuracion na huling namataan ang sama ng panahon sa layong 1,545 kilometers Silangan ng Southern Luzon dakong 3:00 ng hapon.
Maaring sa susunod na 24 hanggang 48 na oras ay maging tropical depression na ang naturang sama ng panahon.
Inaasahang papasok ito sa teritoryo ng bansa sa Huwebes, August 19, o Biyernes, August 20.
Oras na pumasok sa bansa, tatawagan na itong Isang.
Base sa forecast track, malabo ang tsansa na mag-landfall ang sama ng panahon ngunit paalala ng weather bureau, posible pa itong mabago.
Sa ngayon, umiiral pa rin ang Easterlies na nagdadala pa rin ng mainit at maalinsangang panahon sa buong bansa.
May posibilidad lamang aniya na makaranas ng mga panandaliang pag-ulan, pagkidlat at pagkulog o thunderstorms.