Mga tulong sa OFWs galing Afghanistan garantisado sa OWWA Law, paalala ni Sen. Sonny Angara

Sinabi ni Senator Sonny Angara na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi dahil sa kaguluhan sa Afghanistan ay may matatanggap na mga tulong at benepisyo.

Ayon kay Angara, ang nag-akda ng RA 10801 o ang OWWA Act of 2016, nakakatiyak siya na bibigyan ng sapat na tulong ang mga apektadong OFWs hanggang sa makabalik sila sa trabaho o kahit naisin nilang manatili na lang sa bansa.

“Isinulong natin ang batas na ito upang matugunan ang mga problemang pinagdadaanan ng ating mga OFWs tuwing may hindi inaasahang pangyayari sa mga bansang kanilang kinalalagyan tulad ng nangyayari ngayon sa Afghanistan,” paniniguro ng senador.

Aniya bahagi ng mandato ng OWWA na tiyakin na matatanggap ng lipunan ang mga apektadong OFWs.

Sinabi pa ni Angara na ang OFWs ay maaring tulungan na makahanap ng trabaho sa Pilipinas o tulungan na magkaroon ng sariling negosyo.

Maging ang mga benepisaryo ng OFWs ay maari din bigyan ng educational assistance sa pamamagitan ng Education for Development Scholarship Program at Skills for Employment Scholarship Program ng TESDA.

Read more...