Dinipensahan ni dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza ang dating ahensiya na kanyang pinamunuan laban sa mga atake at batikos matapos isapubliko ang mga obserbasyon sa paggasta ng ilang ahensiya ng gobyerno ng kanilang pondo.
Diin ni Mendoza hindi din maaring gamitin na dahilan ang pandemya para mag-relax sa pagbusisi sa paggasta ng pondo sa katuwiran aniya na maaring humantong ito sa korapsyon lalo na ngayon may papalapit na eleksyon.
“When there is a high level of compliance risk, and the operating environment is permissive—may lockdown kaya relax ang internal controls at audit—conducive po to corruption lalo na parating na ang election,” sabi nito.
Pahayag ito ni Mendoza, na isang senior convenor ng 1Sambayan, matapos ang pagbatikos ni Pangulong Duterte sa COA at pasaring na bigyang luwag ang mga ahensiya na makasunod sa mga proseso dahil may pandemya.
Masasabi pa aniya na mahal ng COA si Pangulong Duturte dahil ginagawa ng state auditors ang kanilang trabaho para alagaan ang pamamahala ng Punong Ehekutibo.
Dagdag pa nito, malambot pang maituturing ang salitang ‘deficiencies’ na ginamit ng COA sa kanilang mga pahayag ukol sa maaring maling paggamit at maging ang hindi paggamit ng pondo ng bayan.
“Hindi po puwedeng sabihin papeles lang at walang kwenta, may mga papeles na tinatawag nating accountability document. Kung sila po ang nawawala, kailangan pong hanapin upang alamin kung may sinasadya bang kadahilanan kung bakit hindi maibigay,” pagdidiin pa nito.
Pinamunuan ni Mendoza ang COA mula 2011 hanggang 2015.