Tinukoy na ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac ang opisyal na sinasabing bumili ng sanitary napkins sa isang construction company.
Sa isang panayam, sinabi ni Cacdac na si Deputy Administrator Faustino Sabares III ang responsable sa paggasta ng P1.2 milyon na kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA).
Paliwanag ni Cacdac ibinigay kay Sabares ang naturang halaga para mapabilis ang pagbili ng protective equipment, pagkain, at hygiene kits sa kasagsagan ng pandemya noong Marso hanggang Hunyo ng nakaraang taon.
Nabatid na ang address ng kompaniya na pinagbilihan ng sanitary napkins ay pinuntahan din ng COA auditors at hindi nila ito natagpuan.
Diin ng opisyal, nabigyan sila ng COA ng ‘unqualified opinion,’ ang pinakamataas na audit rating at tanging ang ibinigay na cash advance kay Sabares na lamang ang kinukuwestiyon.
Sinabi nito na na noong nakaraang taon, gumastos sila ng halos P9 bilyon.
Una na rin itinanggi ni Cacdac na may nalalaman si OWWA Exec. Dir. Mocha Uson sa pagbili ng sanitary napkins.