Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mahalagang maging sangkot ang mga LGU sa BE 2021 dahil kabilang pa rin ang de kalidad na edukasyon sa mga prayoridad ng gobyerno sa kabila ng pandemya.
“We cannot stop because of the pandemic which is why we urge our LGUs to assist in the BE 2021 program. Hinihiling natin sa mga LGU na tutukan din ang edukasyon, lalo na sa pagsisimula ng klase sa Setyembre 13, 2021,” pahayag ng kalihim.
Dagdag pa ni Año, “Ang pakikiisa ng mga pamahalaang lokal sa BE 2021 ay isang hakbang nang pagtitiyak na sa kabila ng COVID-19 ay matututo pa rin ang ating mga kabataan.”
May temang “Bayanihan sa Paaralan” ang BE 2021.
Kailangan aniyang matulungan ang mga paaralan at guro upang kayanin ang mga pagsubok na kinakaharap dala ng COVID-19.
“Malaki ang tiwala natin sa mga LGU na hindi nila pababayaan ang ating mga paaralan at mga mag-aaral kaya patuloy rin ang pagpapaalala natin sa kanila,” saad ng kalihim.
Aniya, lahat ng LGU at loka na opisyal ay maaring sumuporta sa pamamagitan ng pagdo-donate ng laptops, desktop computers, tablets, smartphones, internet services, at iba pang kagamitan para sa virtual setup ng pagtuturo.
“Malaking bagay para sa mga paaralan at mag-aaral kung matutulungan sila ng kanilang pamahalaang lokal sa mga pangangailangan nila ngayong may mga virtual classes na tayo. Itong gadgets at services na ito ay kadikit na ng pagkatuto ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya,” paliwanag ni Año.
Inabisuhan din ang mga LGU na asistihan ang mga paaralan at guro sa gagamiting school supplies tulad ng bond papers at computer inks para sa pag-print ng modules.