Ipinanukala ni Senator Francis Pangilinan ang pagkakaroon ng social security and pension program para sa mga magsasaka at mangingisda.
Ayon kay Pangilinan, layon ng inihain niyang Pensyonadong Magsasaka at Mangingisda Act na kilalanin ang mahalagang papel at kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino.
“Ang benepisyong matatanggap nila ay pasasalamat at pagkilala sa kanilang serbisyo at sakripisyo para mapakain ang sambayanang Pilipino,” aniya.
Paliwanag ni Pangilanan, nakasaad sa kanyang panukala na ang Social Security System (SSS) at Philippine Crop Insurance Corp. ang mga pangunahing ahensiya na magpapatupad ng mga probisyon ng batas.
Dagdag pa niya, sa pagbuo ng Farmers and Fisherfolk Social Security Program, magkakaroon ng tiyak na seguridad sa kanilang kabuhayan, gayundin magkakaroon ng retirement benefits ang mga magsasaka at mangingisda.
Binanggit nito, ang edad ng mga magsasakang Filipino ay nasa 57 hanggang 59 at base sa pag-aaral, marami ang tatlong dekada nang nagsasaka.
May pag-aaral ding 65 porsiyento ng mga magsasaka ang naniniwalang walang magandang kinabukasan na haharapin ang kanilang mga anak sa pagsasaka.
“Kailangang magpursige ang estado na matiyak ang mas magandang kalidad ng buhay para sa mga nagpapakain sa bayan, na sila ay may maasahang retirement benefits at social security,” sabi pa ni Pangilinan.