Ipinagdiinan ni Senator Panfilo Lacson na ang Commission on Audit (COA) ay isang independent constitutional body na hiwalay sa ehekutibo at lehislatura.
Aniya, ang COA ay may mandato at walang sinuman ang makakapagdikta.
Dagdag pa niya, itinuturing na pampublikong dokumento ang mga obserbasyon at nadiskubre ng COA kaya’t dapat talagang nalalaman ng publiko kung paano ginagasta ng gobyerno ang kanilang pera.
Kaya’t aniya sa kanyang palagay ay sablay ang pagkastigo ni Pangulong Duterte sa COA at dapat din ay hindi magpasindak ang ahensiya.
Samantala, sinabi din ng senador na dapat ay pansinin naman ni Pangulong Duterte ang sentimyento ng publiko ukol kay Health Sec. Francisco Duque III.
Paalala niya, ang sambayanan ang nagluluklok sa pangulo ng bansa sa puwesto.
Diin niya, hirap na hirap na ang medical frontliners at ang kawalan ng kakayahan na mamuno nang tama ay hindi dapat pinalalampas lalo na ngayong may pandemya.