PhilHealth, sinita sa ‘retroactivity’ sa circular ukol sa COVID-19 related benefit packages

Sinita ng mga kongresista ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kaugnay sa “retroactivity” sa circular nito kaugnay sa COVID-19 related benefit packages na nakakaapekto sa paghahatid ng serbisyo at pagtugon sa pandemya.

Sa congressional inquiry ng House Committee on Health, inungkat ng chairman ng lupon na si Quezon Rep. Angelina Tan ang paglalabas ng PhilHealth ng memorandum circulars na nagdala lamang aniya ng problema sa regional offices at mga ospital.

Ayon kay Tan, noong April 2020 ay naglabas ng circular ang PhilHealth para pagkalooban ng COVID-19 benefits ang kapwa kumpirmado at “probable” na kaso ng COVID-19.

Gayunman, naglabas ang PhilHealth ng advisory noong Mayo 2021 at panibagong circular noong Hunyo sa taong 2021, na nagdeklara na ang confirmed COVID-19 cases na lamang ang masasakop ng benefits package, at retroactive ito dahil epektibo raw simula November 26, 2020.

Giit ni Tan, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng PhilHealth lalo’t alam nito kung gaano katagal para sa mga ospital na umapela at pahirap din ito sa mga pasyente sa kasagsagan ng pandemya.

Sinegundahan ito ng vice chairman ng komite na si Nueva Ecija Rep. Estrelita Suansing, at aniya, hindi dapat tanggapin ang katwiran ng PhilHealth at sa halip ang gamitin sana ng ahensya ang “common sense.”

Aminado naman ang PhilHealth na mayroong mga delay at problemang idinulot ang mga circular.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Dante Gierran, may “gap” o pagkukulang talaga na nangyari na ginagawan nila ng solusyon.

Binanggit naman ni PhilHealth Legal Team President Atty. JM Tolentino na nag-ingat lamang sila dahil sa “fraudulent claims” ng mga benepisyo.

Pagtitiyak ng PhilHealth, ibabalik sa board ang circular para muling talakayin at irekonsidera.

Read more...